2 BULACAN MAYORS UMAMIN NA MAY ASF SA KANILANG BAYAN

ASF-11

TULUYAN ng umamin ang dalawang alkalde mula sa Bulacan na namamayani ang kinatatakutang African Swine Fever (ASF) sa kanilang mga bayan.

Ito ang kinumpirma ni Pandi Mayor Enrico Roquehas kung saan tinukoy nito na kanilang natuklasan ang naturang sakit sa Corpus Farm sa barangay Baka-bakahan sa kanilang bayan.

Tinukoy rin ni Pulilan Mayor Ma.Rosario “Maritz” Ochoa-Montejo na maging sa kanilang lugar ay apektado na rin ng ASF partikular sa Barangays Inaon, Tabon, Balatong A, Balatong B, Tinejero at Dulong Malabon.

Bunsod nito, nagtatag at pinaigting ng Pulilan at Pandi ang isinasagawang quarantine checkpoints maging sa lahat ng hayop na pumapasok at lumalabas ng kanilang mga ba­yan, habang araw-araw rin kumukuha ng mga blood samples mula sa livestock raisers at culling process at depopulations sa mga naapektuhang alagaing baboy.

Nabatid na may kabuuang 188 baboy na ang napatay sa piggery ng mga Gonzalez at hindi 1,000 gaya ng mga naunang napaulat sa telebisyon.

Ayon naman kay Mayor Montejo, tinata­yang nasa 1,000 na baboy sa Pulilan ang kanilang napatay na dulot ng pagiging positibo sa ASF.

Itinanggi naman ni Mayor Roque ang mga naunang pahayag ni Ms. May Gonzalez ng Corpus Farm sa Barangay Baka-bakahan ng Pandi na hindi nagpositibo sa ASF ang kanilang mga alagang baboy.

Base sa test results ng laboratory analysis na isinagawa ng Department of Agriculture (DA) nitong September 20 hanggang 24 sa blood samples ng livestock sa farm ng mga Gonzalez, natukoy rito na naging positibo sa ASF ang mga alagang baboy kung ka­ya’t nagpasya silang kitilan ng buhay ang mga ito.

Binanggit ni Roque na sang-ayon kay Elsie Angeles, acting municipal agriculture officer ng Pandi, ang culling process sa mga baboy ay nagsimula nitong September 27 at natigil ng Lunes September 30 makaraang lumabas sa te­lebisyon si Gonzalez na itinatangging nagpositibo ang kanyang mga alagang baboy sa ASF.

Duda si Angeles kay Gonzalez sa pagsasabing mahigit 1,000 na kanilang alagang baboy ang pinagpapatay ng mga awtoridad.

“The culled animals were electrocuted and not crushed by a back hoe before being thrown in a pit. Initially, a total of 114 swines were culled followed by 74 heads before the cullings were stopped on the 200-sow level farm of Gonzalez and her associates,” saad ni Angeles.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.