2 BUWAN BAGO ELEKSIYON, MAKAHABOL PA KAYA SILA KAY BBM?

UMIINIT  na ang kampanya ng kani-kaniyang kampo para sa pagkapangulo. Kung ating pagbabasehan ang mga survey results, napakalaki ng lamang ni BBM laban kina Leni Robredo, Isko Moreno, Manny Pacquiao at Ping Lacson. Hindi ko na babanggitin pa ang iba pang kumakandidato sa pagkapangulo dahil halos isang porsiyento lang ang pag-asa na manalo sila sa darating na eleksiyon.

Si BBM ay laging nasa 50% pataas sa dalawang sunod na survey. Noong survey na isinagawa noong Feb. 12-17 ng Octa Research, nakakuha si BBM ng 55%. Pumapangalawa si VP Leni na may 15%. Pangatlo si Isko na may 11%. Pacquiao na may 10% at si Ping Lacson ay nakakuha lamang ng 3%.

Noong buwan ng Enero, ayon naman sa Pulse Asia, nakakuha si BBM ng 60% mula sa 53% noong Disyembre. Si VP Leni naman ay nakakuha ng 16%. Si Moreno at Pacquiao ay parehas na may 8% at si Lacson ay may 4%.

Kung ating pagbabatayan ang mga nakaraang presidential elections, tila mahihirapan ang mga ibang kandidato na makadikit kay BBM sa laki ng kanyang lamang. Subalit may kasabihan, ‘bilog ang bola’.

Ang kampo nina Robredo, Pacquiao, Moreno at Lacson ay naniniwala na malaki ang pag-asa nilang manalo. Lahat sila ay naghahanap ng butas upang siraan si BBM sa hangad na bumaba ang porsiyento sa mga nais bumoto kay BBM sa susunod na resulta ng survey at makuha nila ang mga ito.

Kung titignan natin ang 2016 presidential elections, bigla na lang bumulusok sa survey ang kasalukuyang pangulo natin na si Rodrigo Duterte. Wala dating maniwala na may pag-asa siyang mananalo. Ang lahat ay nakapokus kay Roxas at Poe. Si Binay noon ang nangunguna sa survey kaya siya ang paboritong tirahin at siraan sa mga isyu laban sa kanya. Nagtagumpay sila.
Marso 2016 survey, nangunguna pa si Poe na may 28%. Si Duterte ay nakakuha ng 24%. Binay ay may 21% at si Roxas ay may 20%.

Ngunit isang buwan bago ang eleksiyon, biglang umakyat si Duterte at nakakuha ng 33%. Samantalang ang mga nangunguna dati sa survey na si Poe ay biglang bumagsak sa 22%. Hindi gumalaw ang numero ni Roxas sa 20% subalit si Binay ay bumagsak din na may 18%.

Kinalaunan, nanalo si Duterte na may 39.01% na nakuhang boto. Si Roxas ay pumangalawa na may 23.45% na boto. Si Poe naman ay pangatlo na may 21.39% at si Binay ay nagtapos noong halalan na may 12.73% votes.

Saan ko dinadala ang mga numerong ito? Noong 2016 presidential elections, may mahigit na 80.69 % na mga Pilipino ang nakilahok sa eleksiyon. 6.35% na mas mataas kung ating ikukumpara noong 2010 presidential elections. Ang diperensya ng boto ni Duterte sa sumunod na si Poe ay 15.56% o 6,623,822 votes.

Kaya malaki ang hahabulin nina Robredo, Moreno, Pacquiao at Lacson sa loob ng natitirang dalawang buwan na kampanya. 40% ang namamagitan kina BBM at Robredo. Kailangan ni Robredo ng makumbinsi ang mahigit 30 million voters upang masabing dikit ang laban nilang dalawa ni BBM tulad noong 2016 vice presidential race.

Nanalo si Robredo kay BBM para bise presidente noong 2016 sa napakaliit na lamang na 263,473 votes. Ito nga ay kinuwestyon ni BBM noon subalit tila hindi siya pinakinggan ng hukuman.

Kaya tignan natin kung ano-ano ang mga estratehiya na gagawin nila upang mapanatili ang lamang o kaya naman upang tumaas ang survey nila para masabing may laban sila pagsapit ng ika-9 sa buwan ng Mayo nitong taon.