DALAWANG cage greats at tatlong champion coaches ang latest batch ng gagawaran ng Lifetime Achievement Award sa annual San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Jan. 29.
Sasamahan nina hoop icons Allan Caidic at late Avelino ‘Samboy’ Lim ang brilliant minds ng basketball na sina Dante Silverio, Joe Lipa, at Arturo Valenzona sa bibigyan ng parangal ng sportswriting fraternity ng bansa para sa kanilang napakalaking kontribusyon sa pagpapayaman sa Philippine basketball.
Ang lahat ng apat na awardees kasama ang pamilya ni Lim, na kinatawan ng kanyang biyudang si Atty. Darlene Berberabe at anak na si karate champion Jamie Lim, ay inaasahang magdaragdag ng panglaw sa formal gathering sa grand ballroom ng Diamond Hotel sa pagbabalik-tanaw nila sa kanilang kasikatan habang naglalaro at nagko-coach pa.
Ang pagkilala sa kanila ay mangyayari sa gabing pararangalan ng pinakamatagal na media organization sa bansa na pinamumunuan ng presidente nito na si Nelson Beltran, sports editor ng Philippine Star, ang Gilas Pilipinas sa pagtuldok sa 61 taong paghihintay sa pagwawagi ng mailap na basketball gold sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Ang Gilas Pilipinas ay gagawaran ng President’s Award sa blue-ribbon event na itinataguyod ng ArenaPlus, ang 24/7 sports app sa bansa, kasama ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Cignal, MILO, at PLDT/Smart bilang major sponsors. Suportado rin ang event ng Philippine Basketball Association, Premier Volleyball League, Rain or Shine, at ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero.
Sina Caidic, Lim, Lipa, Valenzona, at Silverio ay dating mga nagsilbi sa national men’s team.
Sina Lim at Caidic ay naging bahagi ng matagumpay na basketball program ng NCC (Northern Consolidated Cement) na nagwagi sa 1985 Jones Cup at sa 1985 FIBA Asia Championship. Kahit matapos mabuwag ang NCC, ang dalawa ay patuloy na kinatawan ang bansa sa international tournaments, kabilang ang 1986 Seoul Asian Games – ang huling pagkakataon na nagpadala ang bansa ng isang all-amateur team sa continental showcase – at sa 1990 Beijing Asiad – ang unang pagkakataon na nagpadala ang bansa ng isang all-pro team sa parehong event.
Nagpatuloy ang dalawa upang umukit ng makulay na careers sa PBA.
Si Lim, isang star player sa Letran at three-time NCAA champion (1982-84), ay kabilang sa NCC players na bumuo sa core ng San Miguel squad na nagbalik sa PBA noong 1986 makaraang panandaliang mawala. Kilala sa kanyang paglipad at knee-length socks, ang tinaguriang ‘Skywalker’ ay nanalo ng siyam na kampeonato bilang pro, isang five-time All-Star, kabilang sa PBA’s Greatest 25 Players, at isang Hall of Famer, na sa kasawiang-palad ay hindi naging MVP dahil sa injury-prone career. Pumanaw siya noong nakaraang December 23.
Si Caidic o “The Triggerman’ ay itinuturing na isa sa best shooters sa Philippine basketball. Produkto ng University of the East kung saan nagwagi siya ng tatlong UAAP championships, siya ang top overall pick ng Great Taste sa 1987 draft na nakopo ang kanyang unang PBA title makalipas ang tatlong taon. Isang dating Rookie of the Year at 1990 MVP, nanalo siya ng limang kampeonato habang naglalaro para sa Great Taste at San Miguel Beer. Isang eight-time All-Star, six-time Mythical First Team, at five-time scoring champion, hawak pa rin ni Caidic ang single game record high na 79 points at pinakamaraming three pointers na naitala sa isang laro sa 17 na kanyang ginawa noong 1991 Third Conference. Tulad ni Lim, isa rin siya sa PBA’s 25 Greatest Players at Hall of Famer.
Si Silverio ang may-ari at coach ng Toyota basketball franchise na kanyang ginabayan sa unang dalawang championships sa kasaysayan ng PBA. Isang five-time champion na nagpipinta rin, si ‘Osbok’ tulad ng tawag sa kanya ng kanyang mga player at kaibigan, ay isa ring legendary car racer. Isa siyang Hall of Famer kapwa sa PBA at Golden Wheel Awards. Ang kanyang major involvement sa national team ay noong 1973 nang tumayo siyang manager ng Philippine squad na nagwagi sa FIBA Asia Championship na idinaos sa Manila.
Ginabayan naman ni Lipa ang isang all-amateur national team na kinabilangan nina Lim at Caidic sa bronze medal finish sa 1986 Asiad sa Korea, at pagkalipas ng ilang linggo ay iginiya ang University of the Philippines Fighting Maroons laban sa twice-to-beat University of the East Warriors upang kunin ang kanilang unang UAAP men’s basketball title sa loob ng 47 taon.
Sa kanyang panig, si Valenzona ay may mahabang coaching career na tumagal ng halos apat na dekada, tampok ang pagwawagi ng championships sa PBA, PABL, MICAA, UAAP, at NCAA. Miyembro ng 1964 Philippine team sa Tokyo Olympics, ang dating Far Eastern University stalwart ay nagsilbing head coach ng 1978 at 1980 Philippine Youth squad.
Sina Lipa, Valenzona, at Silverio ay pawang nasa kanilang 80s na ngayon.