2 CHINESE ARESTADO SA PAGKIDNAP SA KAPWA CHINESE

CAVITE – INARESTO ng mga awtoridad ang dalawang Chinese dahil sa umano’y pagkidnap nito sa kapwa nila Chinese sa General Trias sa lalawigang ito.

Sa ulat nitong Miyerkules, kinilala ni Phi­lippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang dalawang suspek na sina Zhou at Juncheng habang ang mga biktima ay nakilalang sina Yuanjie at Yuanhao.

Sinabi ni Torre na ang operasyon ng pulisya ay inilunsad kasunod ng reklamo ng isang “Mak” na nagbunyag na ang dalawa sa kanyang mga kaibigan ay iligal na ikinulong ng dalawang suspek.

Nabatid na naaresto ang mga suspek noong Lunes dakong alas-11:15 ng gabi sa Brgy. Pascam 1, General Trias, Cavite na humahantong sa matagumpay na pagsagip sa mga biktima.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang genuine na P1,000 bill, 300 piraso ng P500 boodle money, 298 piraso ng P1,000 boodle money, isang pistola, isang magazine ng kalibre .45 at mga bala.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code, as amended by Republic Act (RA) 1084 at Violation of the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa ilalim ng RA 10591.

SID SAMANIEGO