KASALUKUYANG isinasailalim sa imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang naganap na shooting incident sa pagitan ng dalawang Chinese sa lobby ng condominium building sa Pasay City nitong Linggo.
Kinilala ang dalawang biktimang Chinese na sina Liu Da Jun, 32-anyos at Chen San Wu, 22-anyos, kapwa real estate broker at nakatira sa nasabing condominium.
Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na Chinese na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nasa lobby ng condominium ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspek na sinasabing Chinese rin.
Nabatid na kinompronta at sinisingil ng suspek ang biktimang si Chen San Wu kaugnay sa pagkakautang nito na kalahating milyong piso subalit tumanggi itong magbayad.
Gayunpaman, sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng biktima at suspek kung saan namagitan naman ang isa pang biktima hanggang sa magbunot ng baril ang suspek saka pinutukan sa likuran ang biktima.
Kaagad na tumakas ang mga suspek bitbit ang baril habang naisugod naman sa ospital ang biktima.
Narekober sa crime scene ang 4 basyo ng cal. 45 pistol at isang deformed slug at isang live ammunition ng cal. 45 pistol habang sinisilip na rin pulisya ang CCTV footage ng condominium para makilala ang mga suspek.
Ayon sa police report, dumarami ang krimen na karamihang sangkot sa pamamaril ay mga Chinese national dahil sa pagluluwag ng travel restrictions sa foreign travelers papasok ng bansa.
Kaya ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na muling i-reactivate ang tourist police sa buong kapuluan para sa seguridad ng mga turistang banyaga. MARIO BASCO