ARESTADO ang dalawang Chinese sa rescue operation ng mga miyembro ng Parañaque City police nitong Abril 25.
Kinilala ni Paañaque police chief P/Col. Renato Ocampo ang mga inarestong suspects na sina Wenlong Huang, 29, and Weiming Shi, 26.
Base sa report na isinumite ni Ocampo sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa mga suspects dakong alas 12:20 ng tanghali sa Golden Age Spa na matatagpuan sa Bradco Avenue, Barangay Tambo, Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon ng Parañaque City police, nag-ugat ang ilegal na pagkulong nina Huang at Shi sa biktima na nakilalang si Tang Deshui matapos manghiram ito ng halagang P300,000 sa mga suspects.
Nang singilin at hindi na makapagbayad ng kanyang inutang na pera ang biktima ay dito na siya ikinulong ng mga suspects.
Maigi na lang at nakatawag pa ang biktima sa kanyang kaibigan na siya namang nagreport ng illegal detention kay Deshui sa pulisya.
Makaraang makuha ang impormasyon ay agad na ikinasa ang rescue operation na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspects at pagkakabawi kay Deshui.
Kasalukuyang nakapiit sa Parañaque City police custodial facility ang mga suspects habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanila sa prosecutor’s office. Marivic Fernandez