2 CHINESE KIDNAPPERS NASAKOTE NG PNP-AKG

PAMPANGA- TIMBOG ng mga tauhan ng PNP Anti-kidnapping group (AKG) ang dalawang Chinese na dumukot sa isang Vietnamese at isa pang Chinese sa lalawigang ito.

Kinilala ni AKG Director Bgen. Rudolph Dimas ang mga suspek na sina Huang Jun, 26-anyos at Lu Zhillin, 22-anyos na kapwa Chinese nationals na tumutuloy sa Clark Majestic World, Mabalacat, Pampanga.

Dinukot umano ng dalawa ang Vietnamese national na si Vo Nguyen Huyen Chau noong Mayo 11 sa PBCom Building sa Makati, na narekober ng AKG noong Mayo 13 matapos pakawalan ng mga kidnapper.

Isinalaysay ng biktima sa AKG na dinala siya ng mga kidnapper sa Clark Majestic World, Pampanga, kaya nagdispatsa ang AKG ng mga operatiba sa lugar.

At dito, naaresto ang dalawang suspek na may kasama pang isang Chinese na naka-posas na lumalabas na panibagong kidnap victim na kinilalang si Li Jin Le.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng AKG ang mga suspek na nahaharap sa kasong kidnapping and serious illegal detention. EUNICE CELARIO