2 CHINESE NASAKOTE SA KIDNAPPING, ILLEGAL DETENTION

DALAWA sa tatlong Chinese ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation- National Capital Region sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Barangay Tambo, Paranaque City nitong nakalipas ng Linggo.

Kinilala ni NBI Officer-in- Charge (OIC) Eric B. Distor ang mga suspek na sina Bao Zheng Xin at Lin Guo Dong habang pinaghahanap naman ang kasabwat na si Zhang Xiao Long.

Nasamsam sa mga suspek ang iba’t-ibang uri ng baril at mga bala kung saan nakasaad sa PNP-PEO Certification na walang lisensiya o hindi rehistrado at hindi awtorisadong magbitbit ng armas ang mga ito.

Base sa ulat ng NBI, lumilitaw na dinukot ng mga suspek ang dalawa nilang kabarong Chinese at dinala sa Unit 30 Bayview Garden Home 2 sa Brgy. Tambo, Paranaque City at sa Crown Tower sa Makati City at saka ginulpi at pinagbantaan na papatayin kapag hindi nagbigay ng ransom.

Natunton naman ng mga operatiba ng NBI-NCR ang pinagkukutaan ng mga suspek kaya nasakote habang nakatakas naman ang isang kasama pa nito na sinasabing may bitbit na baril.

Iniharap na sa City Prosecutor’s Office sa Parañaque City ang Chinese suspek para sa kasong paglabag sa RA 10591. MARIO BASCO