ARESTADO ang dalawang Chinese national makaraang suhulan ng mahigit P1.7 milyon ang mga pulis na humuli sa kanilang mga kaibigang lumabag sa kasong anti-trafficking law kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Rogelio Simon ang mga nanuhol na sina Zhang Xiuqiang, 32-anyos, at Fan Jiang-ping, 23-anyos, kapwa nanunuluyan sa Unit 2001 Avangate Residences Meralco Avenue, Exchange Road, Ortigas Pasig City.
Ayon sa report ng Makati City police na isinumite sa Southern Police District (SPD), naganap ang panunuhol ng mga suspek sa loob mismo ng tanggapan ng Criminal Investigation Section ng Makati City Police na matatagpuan sa panulukan ng Yakal at Ayala Avenue Extension, Makati City.
Batay sa imbestigasyon, kinausap ng mga suspek ang hepe ng Criminal Investigation Division ng Makati City police na si P/Major Gidion Inis at nag-alok ng halagang P1.7 milyon kapalit ng paglaya ng kanilang mga kaibigan na nahuli sa isang entrapment operation kamakailan kung saan 35 na kababaihang Chinese sex workers ang na-rescue at 21 pa kabilang ang mga Chinese national at empleyado ng hotel.
Kasong paglabag sa anti-bribery law at paglabag sa RA 10364 ang kinakaharap ng dalawang suspek na isasampa sa Makati City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.