TRENDING ngayon sa mga nitizen ang kabaitan at katapatan ng dalawang batang magkaklase dahil sa pagsasauli nila ng pitaka na may lamang pera at iba’t ibang identification cards.
May halagang P2,000 ang laman ng wallet, kasama ang mga ID tulad ng Drivers License, Voters id, HMI, PAGIBIG ID, SMAC at mga importanteng resibo.
Kinilala ang magkaklase na sina Kia Alexandra Lagarde at Dhea Zellene Mae Pagatpat, kapwa 8-anyos, grade 3 student sa Bagbag Elementary School at residente ng Rosario, Cavite.
Habang ang may-ari naman ng pitaka ay kinilala na si Jonnel Den Policar, 35 anyos, residente ng Brgy. Ligtong II sa nasabing bayan.
Ganap na alas-4:30 ng hapon, Oktubre 10, nang mapulot ng dalawang magkaklase ang wallet sa kanto ng Tramo-Greenfield.
Agad nilang ipinagbigay-alam kay Brgy. Capt. Willy Cuello ang pagkatagpo at pagpulot sa wallet.
Mabilis na ipinagbigay alam sa may-ari ng wallet ang pangyayari, base na rin sa pagkakakilanlan nito.
“Sa dalawang bata na nakapulot, maraming salamat sa inyo. Sana dumami pa ang mga bata na kagaya nyo, sana lumaki kayo na mabuting bata. Sana maayos kayong mapalaki ng magulang nyo. Kung hindi dahil sa inyo malamang baka tuluyan nang nawala ang wallet ko”, kwento ni Jonnel.
Dahil sa kabutihan ng dalawang bata, nagbigay naman si Jonnel ng pabuya bilang pasasalamat sa kabaitan ng mga ito.
Ikinagalak naman ni Brgy. Bagbag I Captain Willy Cuello ang ginawang kabaitan ng dalawang bata na kanyang residente.
Nakahandang bigyan ng parangal ng barangay ang dalawang bata.
SID SAMANIEGO