SA HALIP na sa kaban ng gobyerno ay sa bulsa ng mga tiwaling tauhan ng X-ray division sa MICP ng Bureau of Customs pumasok ang P2 milyong inilabas ng importer na nagparating sa bansa ng dalawang kontiner ng tabako.
Sa sumbong na ipinarating sa PILIPINO Mirror ng isang mataas na opisyal sa Aduana ay sinabi umano sa kanya ng mismong importer na “ipinasok ako sa isang patibong niyang mga tontong X-Ray Men.”
Ipinaliwanag ng nagsusumbong na BOC official na hinikayat umano ng grupo ni Alyas AC ang biktimang tobacco importer na magparating ng sangkap sa paggawa ng sigarilyo at “kami ang bahala pagdating sa pantalan” kapalit ng tinawag ng grupo ni Alyas AC na ‘nominal fee.’
“Pero nagulat na lamang kami nang mag-demand ang grupo ni Alyas AC ng isang milyong piso bawat kontiner… at kung hindi kami magbibigay ay kukumpiskahin ang aming kargamento,” pahayag umano ng importer sa nagsumbong sa PILIPINO Mirror na BOC officer.
Sinabi pa nitong wala umanong nagawa ang tobacco importer kundi magbayad nang walang resibo sa grupo ni Alyas AC para lang makabawi sa kanilang ipinuhunan sa pag-angkat ng tabako.
Sa kaugnay na balita, isang linggo matapos ang pagbunyag ni Sen. Panfilo Lacson sa isang bilyong pisong halaga ng shabu na isinubasta at inilabas sa bakuran ng Customs ay tahimik at wala pa ring pormal na pahayag o paliwanag ang BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa umano’y sabwatan para ‘i-cover-up’ ng dalawang naturang ahensiya ang nasabing kontrobersiya.
Sa pahayag ni Lacson tungkol sa patuloy na korupsiyon sa Aduana ay napag-alaman ng pahayagang ito na abala sa koleksiyon ng ‘tara’ o protection money ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng ‘failure of intelligence’ ang Intelligence Group ng BOC kung kaya nakalusot ang halos 170 kilos ng shabu na isinubasta.
Isang mapagkakatiwalaang source sa loob ng Aduana ang nagbunyag na isa umanong Alyas JR ang awtorisadong kumolekta sa area ng Visayas at Mindanao at alyas Dekikong naman sa Manila International Container Port at Port of Manila para sa hari ng BOC-IG.
Sa rami ng sumbong na katiwalian ni AC ay dapat na umano itong sibakin nang tuluyan at hindi lamang ilipat ng puwesto o i-reshuffle at huwag proteksiyunan ng mga nasasakupan niya.
“Pero hangga’t nariyan ang mga bulok sa BOC ay hindi titino ang ahensiya, kumbaga ay ilipat lang sila ng pupuwestuhan,” sabi pa ng source.
“Kaya para makasunod sa nais nila ng Pangulong Duterte na malinis ang BOC diyan sa MICP, walisin na ang mga ito,” dagdag pa ng source. PILIPINO Mirror Investigative Team
Comments are closed.