CALABARZON- TANGGAL sa kanilang puwesto ang dalawang chiefs of police dahil sa kasong administratibo sa ilalim ng “doctrine of command responsibility” matapos na masangkot ang kanilang mga tauhan sa illegal na gawain sa San Pedro City, Laguna at Rodriguez, Rizal.
Ayon kay BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon Police director, sina Lt. Cold. Rolly Liegen, hepe ng San Pedro City Police at Ruben Piquero, hepe ng Rodriguez, Rizal ay pinalitan nina Lt. Cols. Pablito Naganap at Arnulfo Selencio, kapwa Officer-In- Charge ng mga nabanggit na lugar.
Ang deputy chief ni Liegen na tumayong team leader ng DEU (Drug Enforcement Unit) at apat nitong tauhan ay inalis din sa puwesto.
Inatasan din ang mga tinanggal sa puwesto na mag-report sa Provincial Internal Affairs Service para maimbestigahan.
Nag-ugat ang pagtanggal kay Liegen at iba pang police officers bunsod ng umano’y palpak na buy bust operation sa lungsod ng San Pedro noong Mayo 18 kung saan illegal na inaresto ang isang drug suspect.
Ipinag- utos din ni Gaces ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa mga pulis na sangkot naman sa pamamaril sa dalawang sibilyan sa Rodriguez Rizal noong Agosto 20, 2023.
Ang naturang pulis ay si Corporal Arnulfo Gabriel Sabillo, miyembro ng Rodriguez police station at kasama nitong si Jeffrey Beluan, residente ng nasabing lugar. ARMAN CAMBE