2 DAGDAG NA KASO NG MONKEYPOX NAITALA

NAKAPAGTALA  ng karagdagang dalawang kaso ng monkeypox ang Pilipinas.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, ang mga bagong kaso ay nasa edad 34 at 29 na may travel history sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng monkeypox.

Aniya, nagpositibo ang mga ito kahapon at ngayong araw.

Dagdag ni Vergeire, nagsasagawa na ang kagawaran ng contact tracing.

Matatandaang inanunsiyo ang unang kaso noong Hulyo 29 kung saan nakita ito sa isang Pinoy na umuwi ng bansa.

Samantala, bumaba ang weekly positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Octa research fellow Dr. Guido David, bumaba ito sa 15.3% noong Agosto 17 mula sa 17.2% noong Agosto 10.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa rami ng indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga nagpa-test.

Sumampa naman sa 40% mula sa 36% ang healthcare utilization rate at ICU occupancy rate sa 36% mula sa 33% sa rehiyon.

Matatandaang sinabi ng OCTA research na bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.