2 DALAGITA NA-RESCUE SA KTV BAR

NUEVA VIZCAYA- NAILIGTAS ng mga tauhan ng Caloocan City police ang dalawang dalagita na pinangakuan ng disenteng trabaho subalit bumagsak ang mga ito sa isang KTV Bar sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Caloocan City police chief Col. Samuel Mina, noong nakaraang Abril 7, ini-report sa pulisya ng isang ina ang pagkawala ng kanyang 16-anyos na anak na babae makaraang hindi na ito umuwi ng kanilang bahay mula noong nakaraang buwan.

Abril 1, pinost ng ina ng biktima ang picture ng nawawala niyang anak sa kanyang Facebook account hanggang sa makatanggap siya ng tawag mula sa isang concerned citizen noong Abril 7 at ipinaalam sa kanya ang kinaroroinan ng anak niyang babae na naging dahilan upang nireport niya ito sa pulisya.

Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng North Caloocan Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa pangunguna ni Lt Nelson Dizon hanggang sa makakuha sila ng impormasyon na ang biktima ay nagtatrabaho sa isang KTV Bar sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa pamamagitan ng direktang pangangasiwa ni Col. Mina, kaagad isinagawa ng mga tauhan ng WCPD ang rescue operation na may koordinasyon kay Bambang Municipal Police Station chief P/Maj. Frederick Ferrer nitong Sabado ng umaga sa isang KTV Bar sa Bambang, Nueva Vizcaya na nagresulta sa pagkaka-rescue sa dalawang dalagita na kapwa 16-anyos ang edad at re­sidente ng Barangay 178 at 176, North Caloocan.

Nabatid na pina­ngakuan umano ng disenteng trabaho ang mga biktima ng isang babae na kinilalang si Julieta Dautil, alyas “Lovely” ng Sitio 4, Phase 6, Brgy. 176, Bagong Silang su­balit, kalaunan ay naakit niyang magtrabaho bilang guest relation officer sa KTV Bar.

Ani Col. Mina, ikinasa na ang manhunt ope­ration laban sa suspek habang nakabinbin ang pagsasampa ng mga kaso para sa dalawang bilang ng Child Trafficking kontra sa kanya sa Caloocan City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA