2 DAYUHAN, PINAY NA-ENTRAP SA BLACK DOLLAR SCAM

DOLLAR

MAKATI CITY – DALAWANG dayuhan at isang Pinay ang sumabit sa entrapment operation ng pulisya sa lungsod.

Kinilala ang mga ito na sina Samuel Djumba, 47-anyos at Patian Libukan, 36-anyos, pawang Cameroonian  at ang Pinay na si Sarah Miranda, 47-anyos, na pawang  nadakip sa Makati City Hotel dahil sa pagkakasangkot sa “black dollar scam”.

Ayon sa Regional Special Operations Group, isang negosyante ang nagreklamo sa modus ng tatlo.

Sa sumbong ng biktima, ipinakilala siya ni Miranda kina Djumba at Libukan na nagturo umano sa kaniya kung paano kulayan ang U.S. dollar bills gamit ang “unwashable” ink para maiwasang ma-detect ng mga awtoridad.

Sa ilalim ng “black dollar scam” o “wash wash scam”, ipinakikita ng mga suspek sa kanilang target na biktima ang bundle-bundle na kinulayang US dollar bills.

Sasabihan ang biktima na kinulayan ang dollar bills para hindi ma-detect ng mga awtoridad at pagkatapos, hihimukin siyang bumili ng kemikal na ­maaaring makapagbura sa ginamit na pangkulay.

$50,000 umano ang hiningi ng mga suspek kay Cruz para ipambili ng kemikal sa pangakong mati-triple ito kapag naalis na ang kulay sa mga dolyares.

Subalit, nagduda ang negosyante kaya nagsumbong sa mga pulis.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.