MINDANAO- INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence agents ang dalawang dayuhan na iligal na nagtatrabaho sa lalawigang ito ng walang working permits mula sa pamahalaan.
Ayon sa report na nakarating sa BI main Office, kinilala ang mga suspek na sina Rafshad Cherikkal Phutiyapurayil, 33-anyos, Indian national, at Zain Ul Abideen, 25-anyos, Pakistani national.
Batay sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, nahuli ang mga ito sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng BI intelligence nitong Hunyo 8 sa Zamboanga City at Basilan.
Ayon sa pahayag ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr. inaresto ang dalawang ito, bunsod sa iba’t-ibang reklamo ng mga kasamahan sa trabaho kaugnay sa pagiging overstaying at pagtatrabaho ng walang working permit sa loob ng mahabang panahon o mula ng dumating ang mga ito sa Pilipinas.
Agad na ipadedeport ang dalawang ito dahil sa paglabag sa pribilehiyo na ipinagkaloob ng pamahalaan kasabay ang pagpapa-blacklist upang hindi na muling mabalik sa Pilipinas.
Nakarating din sa kaalaman ng Immigration na itong si Abideen ay sangkot sa smuggling ng mga produkto na nanggagaling sa Malaysia, money lending at pagbebenta ng plastic wares sa Isabela City, Basilan.
Samantalang si Abideen ay pinaghihinalaan na may kaugnayan sa terrorist group na Abu Sayyaf.
Ang dalawang ito, ay pansamantalang ipinasok sa BI detention Center sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, habang ongoing ang isinasagawang deportation proceedings ng BI Board of Commissioners.
FROILAN MORALLOS