IKINULONG ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan sa detention center sa Taguig City matapos silang madakip ng BI agents sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa paglabag ng Immigration Laws.
Ayon sa report na nakarating kay BI Commissioner Jaime Morente, galing kay BI OIC Deputy Commissioner Marc Red Marinas, gumamit ng tampered na pasaporte ang mga suspek na sina Kabilan Kannathashan, 25-anyos, isang Sri Lankan, 26-anyos at Emmnauel Kyeremateng na isang Ghananian national.
Sila ay nadakip habang papasakay sa kanilang flight patungong Canada.
Nadiskubre ng BI na ginamit ni Kannathashan ang isang Canadian passport habang si Kyeremateng ay gumamit ng Malta passport upang itago ang kanilang tunay na nationality.
Ayon kay Mariñas, international syndicate ang nasa likod ng pag-aayos ng pekeng pasaporte ng mga dayuhan na gamit ang Manila bilang jump off point para makapasok sa Canada.
Agad namang ipinag-utos ni Morente ang mabilis na deportation proceedings laban sa dalawa. F MORALLOS
Comments are closed.