2 DEDO, 3 KRITIKAL SA HIGHWAY MISHAP

tulay

BAGUIO CITY — KAMATAYAN ang sinapit ng dalawang kawani ng Hedcor power firm habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang sinasakyan nilang pick-up trak sa malalim na kanal ng tulay sa gilid ng national highway sa Brgy. Gana sa bayan ng Caba, La Union noong Linggo ng gabi.

Napisak ang katawan ng dalawang namatay na sina Lemuel Sebio, 32-anyos, machine operator na nakatira sa Green Valley, Baguio City at Mark Lardizabal, 49-anyos, ng Tuba, Benguet.

Naisugod naman sa ospital ang iba pang biktima na sina   Jay Nabus, 27-anyos,machine operator ng La Trinidad, Benguet; Alexander Padilla, 26-anyos, machine operator ng Baguio City at Norian Dagyapan, 37-anyos, ng Tuba, Benguet.

Base sa police report, magkakasama ang mga biktima sa trak na minamaneho ni Nabus nang makasalubong nito ang motorsiklo na inakupahan na ang kanilang linya ng kalsada.

Iniwasan naman ng trak para hindi masalpok ang motorsiklo subalit nawalan ng kontrol sa manibela si Nabus kaya nagtuloy tuloy na nahulog mula sa Caba Bridge.

Idineklarang patay sa Caba District Hospital si Sebio habang namatay naman kinabukasan ng Lunes si Lardizabal kung saan patuloy naman ginagamot ang tatlong kasamahan. MHAR BASCO

Comments are closed.