TAGUIG CITY – DINAKIP ng awtoridad ang dalawang hinihinalang drug pusher noong Biyernes ng gabi sa buy bust operation sa lungsod na ito.
Batay sa report, isinagawa ang buy bust operation alas-10:30 ng gabi sa Hagonoy Street.
Kinilala ni National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Jayson Esguerra at Rodolfo Dejos.
Nakuha sa kanilang posesyon ang higit kalahating kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa anim na plastic pack, 150 piraso ng Valium, at P1,000 na boodle money na siyang ginamit ng undercover agent na pambayad kay Esguerra sa 25 gramo ng hinihinalang shabu.
Tinatayang aabot sa P3,570,000 ang halaga ng mga narekober na droga.
Giit naman ng mga dinakip na taga-deliver lamang sila at hindi drug pushers.
Sa interogasyon kay Esguerra, sinabi nito na mula sa Batangas ang droga at kanila itong ibinabagsak sa Pasig, Taytay, at Cainta.
Sinabi ni Eleazar na may posibilidad na malaking sindikato ng droga ang nasa likod ng mga suspek. ROSE LARA