CAVITE – KALABOSO ang itinuturing na dalawang bigtime drug dealer makaraang makumpiskahan ng P1.5 milyong halaga ng shabu sa anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Molino 3 sa Bacoor City.
Isinailalim sa drug test sa Provincial Crime Laboratory Office ang mga suspek na sina Rostom Balokiki “Rene” Kadtongan, 43, ng Sunward Subd. sa Brgy. Molino 2, Bacoor City; at Walid Ariman Akmad, 25, kapwa Muslim, tubong Maguindanao at nakatira sa Platinum Street sa Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya at tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) kaugnay sa drug trade ng mga suspek.
Gayunman, isinailalim sa masusing surveillance ang dalawa kung saan nagpositibo naman kaya isinagawa ang anti-drug operation.
Hindi na pumalag ang mga suspek makaraang makumpiskahan ng 218.48 gramo na shabu na nakalagay sa tatlong pakete at may street value na P1.5 milyon.
Narekober naman ang P350,000 cash na marked money na ginamit sa drug operation ng mga awtoridad habang isinailalim sa chemical analysis ang nasamsam na shabu at dinala sa Camp Panteleon Garcia sa Imus City ang mga suspek. MHAR BASCO
Comments are closed.