NAGA CITY-NASAKOTE ng mga tauhan ng PNP-PRO5 ang dalawang illegal Drug distributors sa isinagawang buy bust operation na nakumpiskahan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa C5 Road, Zone 6, Barangay Mabolo ng nasabing lalawigan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP-PRO5 Director Brig Gen Jonnel Estomo, kinilala ang mga nadakip na sina Hiroji Clarion Tesoro, 39-anyos ng Santiago 3 Street, Brgy Peñafrancia, Naga City at Froilan Tud Teves, 41-anyos ng Brgy Timbang, Manalapan, Camarines Sur.
Nabatid na matapos ang isinagawang surveillance at intelligence operation ay ikinasa ng PNP-PRO5 Regional Police Drug Enforcement Unit5 Camarines Sur /Naga Team (lead unit) ang buy bust operation katuwang ang CDEU/CIU Naga City, Naga City Mobile Force at Naga TEU sa pangangasiwa ni PLTCol Jerry Alvarez, Chief RPDEU5.
Matapos makipag-ugnayan sa PDEA ROV ay ikinasa ang intelligence buy-bust operations sa C5 Road, Brgy Mabolo, Naga City.
Kumagat sa pain ang mga suspek at nabilhan sila ng isang knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may bigat na 100 gramo kapalit P300,000.00 na binubuo ng isang pirasong genuine P500.00 bill buy-bust money na may serial number MV960689 na naka ibabaw sa bundles ng boodle money.
Sa pre-arrange signal ng nagpanggap na poseur buyer ay sumalakay na ang mga awtoridad at dinakip ang dalawang suspek .
Sa pagrerekisa ay may tatlo pang knot-tied heated sealed transparent plastic sachet na naglalamang ng shabu ang nakumpiska sa dalawang drug distributors na tumitimbang ng 900 gramo na tinatayang nasa P6,800,000.00 ang street value.
Sinasabing si Tesoro ang nagsisilbing drug bodegero ng isang local big time drug groups na kumikilos sa Bicolandia area na siyang may direct connection sa main source ng illegal drugs sa Metro Manila.
VERLIN RUIZ