AGAD na binawian ng buhay ang dalawa umanong drug pusher matapos makipagbarilan sa mga pulis sa magkahiwalay buy bust operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, alas-2:05 ng madaling araw nang ikasa ng mga pulis ang buy bust operation kontra kay Alimona Radiamoda, alyas “Jericho”, 38, ng Riverside, Phase 12, Brgy. 88, Tala, subalit, napansin nito na parak ang kanyang katransaksiyon kaya tumakbo ito papasok sa isang bahay sa Blk 91 Lot 4 na naging dahilan upang habulin ito ng mga operatiba.
Sa halip na sumuko, pinaputukan ng suspek ang mga pulis na naging dahilan upang mauwi sa palitan ng mga putok hanggang sa tamaan sa katawan si Radiamoda na nagresulta ng maagang pagkamatay nito.
Bandang alas-12:45 naman ng madaling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang pinagsamang Drug Enforcement Unit (DEU), Special Operation Unit (SOU) at Caloocan Police Community Precinct (PCP) 7 kontra kay alyas “Janjan” sa kanto ng NPC Road at Lacson Compound, Brgy. 163, Sta. Quiteria matapos ang dalawang linggong surveillance operation.
Nang tanggapin ng undercover pulis ang isang sachet ng shabu kapalit ng P500 marked money, agad nagbigay ng signal ang pulis sa back-up na mga operatiba.
Gayunman, napansin ng suspek ang mga pulis kaya naglabas ito ng baril at pinaputukan ang mga operatiba subalit walang tinamaan na naging dahilan upang gumanti ng putok ang mga parak hanggang sa tamaan si Janjan sa katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa suspek ang isang cal. 38 revolver, pitong plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na dami ng shabu at P500 buy bust money. EVELYN GARCIA
Comments are closed.