HINDI pa rin nahahanap hanggang sa ngayon ang apat na missing divers mula sa lumubog na M/Y Dream Keeper sa Tubbataha, Palawan ayon sa Philippine Coast Guard sa kanilang nagpapatuloy na search and rescue operations.
Ito ang dahilan kaya humingi ng tulong ang Pilipinas sa United States para tumulong sa paghahanap sa nawawalang master diver, dalawang turista at sa may-ari ng lumubog na yate.
Nabatid na tatlong US air assets na naka-station sa dalawang military bases na itinuturing na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ang ginagamit ngayon sa operation ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang American assets ay lumipad mula Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa at Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu.
“The responsive United States-Philippines combined inter-agency operation utilizing EDCA locations was carried out at the request of the Philippine government,” anang AFP.
Bukod sa U.S asset ay nag-deploy na rin ang AFP Western Command (Wescom) ng kanilang air at sea assets para tumulong sa search and rescue gamit ang Philippine Air Force (PAF) Sokol Helicopter, Philippine Navy Agustawestland AW109E Helicopter, at Navy vessel BRP Carlos Albert.
Magugunitang lumubog ang ill-fated dive yacht na M/Y Dream Keeper, sa may bisinidad ng famous dive site na Tubbataha Reef noong Linggo matapos maglayag mula San Remigio, Cebu noong Huwebes at sumapit sa famous reef bandang alas 10:00 ng Sabado ng gabi.
Ang mga EDCA site ay idineklarang maaaring gamitin ng Pilipinas at Amerika para sa emergency situations at disaster relief.
Samantala, inihayag naman ni Phil. Coast Guard Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, may sampung yate ng mga diver ang tumutulong sa paghahanap ng mga nawawalang indibidwal.
Pinawi rin ni Balilo ang pangamba ng publiko sa nakitang oil sheen o latak ng langis na nakita mula sa pinaglubugan ng barko.
Samantala, lumalabas sa salaysay ng mga nakaligtas na pasahero na biglang nagkaroon ng pagbabago sa kondisyon ng dagat na nagresulta sa paglubog nito. VERLIN RUIZ