2 EMPLEYADO NG ETERNAL GARDENS NA PINAKULONG NG PISKAL, LAYA NA

MAKARAAN ang tatlong araw na pagkakapiit sa detention facility ng Batangas City Police Station, nakalaya na sa pamamagitan ng piyansa ang dalawang tauhan ng Eternal Gardes – Balagtas.

Sa pamamagitan ng mga abogado ng ALC Group of Companies na sina Atty. Christian Castillo at Atty. Jeffrey Marzan, inaprubahan ni Batangas City Deputy Prosecutor Evelyn Jovellanos ang preliminary investigation para sa akusasyong theft laban kina alyas Mariz at Arnel, pawang mga tauhan ng Eternal Gardens.

Tig-P6,000 ang inilagak na piyansa ng dalawa para sa kanilang kalayaan.

Naging emosyonal naman ang dalawang tauhan ng Eternal Gardens makarang makalabas sa detention facility.

Ayon kay Mang Arnel, unang pagkakataon ito na siya ay nakasuhan sa loob ng 29 taong pagtatrabaho sa memorial park.

Tatlong araw aniya siyang hindi nakatulog nang maayos sa kulungan at nais niya munang magpahinga pagkatapos niyang lumabas sa kulungan kasabay rin ng pagkaka-miss sa kanyang pamilya lalo sa mga anak.

Nagdulot naman ng matindng takot kay Mariz ang kanyang pagkakakulong nang hindi dumaan sa tamang proseso.

Nagpasalamat ang mga ito sa lahat ng tumulong sa kanilang paglaya lalo na ang suportang ibinigay ng Eternal Gardens at mga abogado nito.

Magugunitang noong Oktubre 13 nang biglang arestuhin ng mga pulis ang dalawa sa reklamo ng isang Fiscal dahil sa umano’y nawawalang lapida ng ama nito na nakahimlay sa memorial park.

Sinabi ng mga empleyado na nagsasagawa sila ng clearing operations dahil sa nalalapit na Todos Los Santos.

Bagaman nakiusap ang pamunuan ng Eternal Gardens na iimbestigahan muna at ibabalik ang lapida na maituturing na extra na lamang dahil may bago nang nakakabit na lapida sa puntod ng ama ng complainant ay tumanggi ito at inimbitahan sina Mariz at Arnel sa Police Community Precinct ng nasabing lugar subalit idineretso ang mga ito sa detention facility ng Batangas Police Station.

Bukod sa pagkakakulong sa nasabing pasilidad, nasa kustodiya rin ng pulisya ang isang lapida na walang nakaukit na pangalan at sanding machine na umano’y ebidensiya.

Araw ng Sabado, October 14, nang magtungo ang mga abogado ng mga empleyado sa nasabing police station, ngunit nabigo na makakuha ng mga dokumentong kailangan para sa pagpiyansa dahil sa umano’y off duty ang officer-on-case.

Kinondena naman ng Eternal Gardens ang mistulang abuso sa kapangyarihan ng complainant na isang fiscal para agarang maipakulong ang mga akusado at ang kwestiyunableng warrantless arrest.

“We wish to reiterate our serious concern about the blatant misuse of power carrying out of a warrantless arrest in a situation that did not warrant such actions. Additionally, we condemn the violations of our workers’ rights specially their right to be secured from illegal arrest and the denial of their rights to legal representation during the custodial investigation and inquest,” bahagi ng opisyal na pahayag ng Eternal Gardens.
RON LOZANO/ CYRILL QUILO