BAGUIO CITY – MAY posibilidad na maipa-deport ang dalawang banyagang estudyante mula sa bansang Eritrea (African Union) makaraang arestuhin ng awtoridad sa aktong pagpupuslit ng P780k halaga ng marijuana sa Barangay Poblacion West sa bayan ng Lamut, Ifugao noong nakalipas na linggo.
Isinailalim sa drug test at physical examination ang mga suspek na sina Saffi Mohamednur, 28, pansamantalang nakatira sa Veraville, Las Piñas City at Negash Abede Natnael, 23, pansamantala ring nakatira sa Leveriza Street, Asiawealth, Pasay City, kapwa estudyante sa hindi nabatid na kolehiyo at mula sa Eritrea (African Union).
Base sa naantalang ulat ng pulisya, tinangkang ipuslit ng mga suspek ang anim na hugis na cylindrical na pinatuyung dahon ng marijuana kung saan binalutan ng packaging tape at tumitimbang ng 6.5 kilos.
Gayunman, hindi nakalusot sa pulisya ang tangkang drug smuggling dahil sa kahina-hinalang ikinikilos ng mga suspek kaya masusing nirikisa ang kani-kanilang backpack kung saan nadiskubre ang balumbon ng marijuana na may street value na P780k. MHAR BASCO
Comments are closed.