ILOCOS SUR-INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na mayroong dalawang foreign vessels ang aksidenteng nagkabanggaan sa lalawigang ito.
Batay sa impormasyong nakarating sa tanggapan ng PCG, nangyari ang insidente sa layong 77 nautical miles mula sa katubigang sakop ng Candon, Ilocos Sur bansang alas-9 ng gabi nitong Martes.
Ito ay kinabibilangan ng isang Taiwanese fishing vessels na Sheng Feng No. 12 at isang Bangladeshi -flaggeg bulk Carrier.
Ayon sa PCG, ang Bangladeshi-flagged bulk carrier ay posibleng nagmula sa Changshu,China na patungo sana sa Muara Berau, Indonesia nang mangyari ang naturang insidente.
Kasunod ng nangyaring banggaan ay agad na nakipag-ugnayan si Taiwan Coast Guard attache Commander Arthur Yang sa PCG Command Center na agad namang nagdeploy ng mga tauhan lulan ng BRP Malapascua para sa agarang pagresponde sa Taiwanese Fishing vessel.
Samantala, kasalukuyang pa rin ginagawa ang koordinasyon ng PCG at Taiwan Coast Guard sa kumpanyang nagmamay-ari ng Sheng Feng No.12 para naman sa rekomendasyong madala sa pinakamalapit na pantalan sa Northern Luzon ang naturang vessel para masuri at alamin ang kondisyon nito, gayundin ang pagtiyak sa magiging kaligtasan ng limang indonesian at dalawang Taiwanese crew members na lulan nito. EVELYN GARCIA