SISIKAPIN ng Gilas Pilipinas na walisin ang kanilang two-game assignment sa fifth window ng FIBA World Cup qualifiers sa pagsagupa sa Saudi Arabia sa Jeddah Lunes ng umaga (Manila time).
Sasalang ang mga Pinoy sa laro sa King Abdullah Sports City Hall na mataas ang morale kasunod ng 74-66 panalo kontra Jordan sa Amman noong Biyernes.
At determinado ang koponan na masundan ang panalo makaraang dumiretso sa ensayo sa kanilang pagdating sa Saudi Arabia city kasunod ng tatlong oras na biyahe mula sa Jordan capital.
“Our day isn’t done yet,” pahayag ni coach Chot Reyes.
Target ng Gilas (4-3) na makaulit sa host, na kanilang tinalo, 84-46, nang magharap sila sa August window sa Mall of Asia Arena.
Ang Saudis ay nasa must-win situation kung nais nilang makakuha ng puwesto sa FIBA World Cup sa susunod na taon.
Ang host ay may 2-5 record sa fifth place sa Group E, nasa likod ng Jordan na may 3-4 sa fourth spot.
At kung gaano kaseryoso ang Saudis na mag-qualify ay binalasa nila ang kalahati ng kanilang roster para sa kanilang rematch laban sa mga Pinoy.
Agad na nakita ng host ang epekto ng pagpapalit nila ng lineup makaraang tambakan ang India noong Huwebes, 85-54, sa likod ng tig-16 points nina Hazim Bader Aljohar at Khalid Abder Gabar.
“Tough team, tough game. So the most important thing for us is to be prepared for that,” sabi ni Reyes.