2 GOLD TARGET NG PSC SA TOKYO OLYMPICS

PSC Chairman William Ramirez-6

UMAASA ang Philippine Sports Commission (PSC) na masusungkit ng bansa ang kauna-unahang Olympic gold medal nito sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Sa kanyang year-end report, tahasang sinabi ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez na may tsansa ang Filipinas na magwagi ng kahit dalawang gold medals sa international sports meet na naurong sa susunod na taon dahil sa COVID-19 pandemic.

“Excellent athletes can be in control of themselves, they might perform. This must be an opportunity,” sabi ni Ramirez.

Ayon kay Ramirez, sina 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz at gymnastics world champion Carlos Yulo ang may pinakamalaking tsansa na masikwat ang mailap na Olympic gold medal.

“If science-based, we do not have proof, but Hidilyn Diaz and Caloy (Yulo) have proven that they can. We are lucky that we have the opportunity to support them,” ani Ramirez.

Si Yulo, 20, ay nakasambot na ng puwesto sa Tokyo Olympics noong October 2019 nang makuha niya ang makasaysayang gold medal sa men’s floor exercise event sa 49th Artistic Gymnastics World Championships sa Stuttgart, Germany.

Samantala, abot-kamay na rin ni Diaz ang kanyang ika-4 na Olympic stint.

Idinagdag pa ni Ramirez na taeget ng PSC na makapagpadala ng 29 atleta sa Tokyo Olympics na nakatakda sa July 23-August 8 sa susunod na taon.

Aniya, naglaan ang Kongreso ng sapat na pondo sa ilalim ng panukalang 2021 national budget para sa training at paglahok ng mga Pinoy sa quadrennial meet.

“We plan to go to the Olympics one month before the events. We are preparing an advanced team to support them,” ayon pa sa PSC chief.

Bukod kay Yulo, ang iba pang Filipino athletes na pasok na sa Tokyo Olympics ay sina pole vaulter EJ Obiena at boxers Eumir Marcial at Irish Magno.

Comments are closed.