MAKATI CITY – DALAWANG graduating student ng kilalang unibersidad ang inaresto ng pulis matapos na ang mga ito ay mahulihan ng P1.5 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng party drugs.
Ang mga inaresto ay sina alyas Suzuki, 24, half Japanese at naninirahan sa Dela Rosa St., Barangay Pio Del Pilar, Makati City; at alyas Steve, 23, ng BF Homes Almanza, Las Piñas City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar, sinalakay ng pulisya ng Makati City dakong 7:00 ng umaga ang tinitirhan ni Suzuki sa Makati.
Ayon kay Eleazar base sa report ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, bago ang pagsalakay nagsumbong ang driver ng grab express sa Police Community Precinct-3 dahil sa kahinahinalang maliit na kahon na kanyang idinileber sa mga naturang suspek.
Sa pahayag ng driver kumuha ng serbisyo ng isang grab express (angkas padala) si Suzuki upang ipadeliber ang isang maliit na kahon (package) sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City na may kahinahinalang laman.
Tinanong umano ng driver kung ano ang laman ng kahon na ipapadala subalit tumangging sabihin ni Suzuki hanggang ito ay magduda at dinala sa tanggapan ng PCP-3 ang maliit na package.
Nang buksan ni Senior Inspector Jay Ar Fajardo ang naturang package dito na tumambad na naglalaman ng iba’t ibang uri ng “party drugs” o ecstasy.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Makati City Police ay aabot sa P1.5 milyong halaga ng nakumpiskang party drugs o ecstasy sa mga suspek. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.