2 GRUPO NAGKAGULO: 1 PATAY, 3 SUGATAN

NUEVA ECIJA- DEAD on the spot ang isang lalaki habang tatlo pa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng kanilang kaalitan sa HQ Resto bar sa Brgy Malasin, San Jose City sa lalawigang ito.

Sa report na ipinadala ni Lt.Col. Marlon Cudal kay PNP Provincial Director PCol Richard Caballero, kinilala ang nasawi na si John Cedric Carani, 27- anyos, binata, electrician ng Romano St. Barangay Rafael Rueda Sr. sa nabangit na lungsod.

Habang kinilala naman ang mga nasugatan sa pamamaril na sina Paulo Abion, 27-anyos; Dominic Arizala, 34-anyos, may asawa, driver ng Zone 5, Sto. Niño 2nd. at Jayson Ballesteros, 29-anyos ,may asawa at isang magsasaka residente ng Barangay Porais, San Jose City.

Kinilala naman ang suspek na si Sierramon Dalimot, 40-anyos, tubong Alaminos Pangasinan at residente Cabanatuan City.

Matapos ang pamamaril tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay itim na pick up na may plate no. NEJ 4850.

Base sa paunang imbestigasyon nina Cpl.Mario Esteban at Cpl.Jeferson Cantor, alas-12 ng hating gabi nang magkasunod na dumating ang dalawang grupo ng kalalakihan sa nabangit na bar.

Nabatid na nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang dalawang grupo na nauwi sa suntukan.

Makalipas ang ilang minuto lumapit ang isang lalaki na armado ng cal.45 na baril at walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan ang mga biktima.

Mabalis namang tumakas ang gunman patungo sa bahagi ng Carranglan Nueva Ecija.

Samantala nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad labang sa mga suspek. THONY ARCENAL