RIZAL- DEAD on the spot ang dalawang suspek na hinihinalang sangkot sa gun running syndicate nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police –Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa ikinasang buy bust operation sa Sitio Kawayan farm, Brgy Halayhayin, Pililia sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PNP-AKG Director General Jonnel C. Estomo, bandang alas-3:15 ng madaling araw nang isagawa ng Luzon Field Unit ng PNP-AKG sa pamumuno ni P/Col. Villaflor Bannawagan ang buy bust operation sa target nilang umanoy mga kilabot na gunrunner na kumikilos sa lalawigan ng Rizal at mga kalapit probinsiya ng CALABARZON.
Ayon kay Bannawagan, nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya’t agad na kumasa ang mga ito bago pa sila maaresto na ikinasawi ni Jake Pingal at isa nitong kasamahan na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Nabatid na habang binibilang ni Pingal ang P30,000.00 buy bust money na ibinayad ng mga pulis kapalit ng isang kalibre 45 pistola ibinenta nito, nagbigay na ng hudyat para arestuhin ang dalawa suspek subalit mabilis na bumunot ang mga ito baril kaya gumanti umano ng putok ang mga pulis.
Sinabi pa ni Bannawagan, maliban sa iligal na pagbebenta ng mga armas, sangkot din ang mga suspek sa iba pang criminal activities tulad ng kidnapping, robbery hold-up, gun-for-hire, at carnapping.
Sa impormasyong ibinahagi ni PNP-AKG Spokesman Maj Rannie Lumactod , na-recover sa encounter site ang limang piraso ng kalibre .45 na baril, at isang unit ng hinihinalang carnapped na motorsiklo.
Samantala, tinutugis naman ngayon ng mga pulis ang leader ng grupo na si Ryan Dela Cruz alyas Mokong na may warrant of arrest sa kasong kidnapping. VERLIN RUIZ
Comments are closed.