BULACAN – DALAWANG gunrunners ang napaslang ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa Northern Manila o Camanava area sa engkuwentro sa bayan ng Sta. Maria.
Sa impormasyong ibinahagi ng PNP-CIDG, isang pulis ang umaktong buyer na naghahanap ng mabibiling baril sa mga suspek.
Ayon kay Police Lt. Col. Charlie Cabranilla, hepe ng CIDG-Camanava, nagkasa sila ng buy bust operation para bumili ng baril sa mga suspek.
Nagpadala na sila ng inisyal na bayad sa pamamagitan ng money transfer.
Nagkasundo na magkakabilihan ang dalawang panig sa Valenzuela City subalit nagbago ang plano at inilipat sa Bulacan ang abutan ng baril.
Pagdating sa isang gasolinahan ay nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya agad nila itong pinaputukan.
Mabilis na nakaganti ang kapulisan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek, habang isa pa nilang kasamahan na lulan ng ibang sasakyan ang nadakip.
Nabatid na bukod sa gunrunning ay sangkot din umano ang mga suspek sa ilegal na droga.
Itinanggi ng naarestong suspek ang mga paratang laban sa kanila. VERLIN RUIZ
Comments are closed.