2 GURO, 1 PA PATAY SA DIARRHEA OUTBREAK

ISA pang guro ang nasawi dahil sa diarrhea outbreak sa Toril sa Davao City.

Sa ulat ng City Health Office, pinakahuling nasawi ang 32-anyos na gurong lalaki mula sa Barangay Lubugan dahil sa matinding dehydration.

Una nang pumanaw dahil rin sa kaparehong sakit ang 67-anyos na babaeng guro at 10-anyos na batang lalaki nitong Hulyo 19.

Ayon kay City health office head Dr. Ashley Lopez, nauna nang idineklara ang diarrhea outbreak sa 12 barangay.

Ang mga barangay ay ang Baracatan, Bago Aplaya, Camansi, Lubogan, Toril Poblacion, Daliao, Bato, Lizada, Mulig, Tungkalan, Binugao at Crossing Bayabas.

Bukod sa nabanggit na mga barangay, apektado rin ang Barangays Alambre, Bangkas Heights, Daliaon Plantation, Eden, Sirawan, Marapangi at Baliok.

Umabot na rin sa 218 ang kabuuang kaso ng diarrhea sa mga apektadong lugar.

Itinayo na rin ang incident command center sa Magsaysay Elementary School para asistehan ang mga residente sa lugar na dumaranas ng sintomas ng diarreha at iba pang sakit. EUNICE CELARIO