2 HARDWARE STORES NA NAGBEBENTA NG PRODUKTONG SUB-STANDARD SA VALENZUELA HULI NG DTI

HARDWARE

NAG-IMBESTIGA ang Department of Trade and Industry (DTI) ng hardware stores sa Valenzuela City kahapon at nakahuli ng dalawang tindahan na nagbebenta ng produktong mahihina ang klase.

Ang isang tindahan ay nagbebenta ng substandard o kulang sa timbang na bakal o steel bars at wires na walang Philippine Standard certification marks (PS marks), habang ang isa ay nakitang nagbebenta ng PVC pipes at mga gamit sa kubeta na walang PS marks.

Ang mga nabanggit na produkto ay kukum­piskahin at ang lumabag na tindahan ay bibigya ng 48 para sagutin ang Notice of Violation na inisyu ng DTI. Pagmumultahin din sila ng halagang PHP 17,500 hanggang PHP 35,000.

Inimbestigahan din ng team ang isang planta na pagawaan ng steel sa lugar at natagpuang sila naman ay sumunod sa product standards at testing equipment na kailangan ng DTI.

Ang inspeksiyon sa Valenzuela na pinangunahan ni Secretary Ramon Lopez at Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, ay bahagi ng nationwide inspection drive na isinagawa ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB), Bureau of Product Standards (BPS), Philippine Accreditation Bureau (PAB), at DTI Regional Offices.

Sinabi ni Sec. Lopez, na ang araw-araw na ins­peksiyon ng FTEB ay nagresulta sa pagbaba ng mga lumalabag sa Metro Manila. Masigasig ngayon ang ahensiya sa kanilang monitoring efforts sa ibang rehiyon para mapaalis ang mga materyales na subs­tandard sa  merkado.

“Selling substandard products is not good for your business, since you will not establish credibi­lity,” babala ni Sec. Lopez sa hardware owners, “If you are caught selling them, you will be fined and we will confiscate your products, thus losing your investment. In selling these products, you are decei­ving and endangering consumers and the public.”

Inisaisa ng Department Administrative Order 18-03:2018 ang mga produkto na mino-monitor ng DTI para sa product standards. Kasama rito ang home appliances at electronic products, building at construction materials,  chemical products tulad ng fire extinguishers at LPG tanks.

Para sa konsyumer, ang suhestiyon ni Sec. Lopez ay laging tingnan ang PS marks o Import Commo­dity Clearance (ICC) stickers sa mga produktong kanilang binibili. Kung may makita silang tindahan na nagbebenta ng mga produktong substandard, ipagbigay alam agad nila sa DTI sa kanilang Consumer Care Hotline 1-384 (1-DTI) o mag-email sa [email protected].

Sinabi ng trade secretary na ang malawakang pagpapatupad ng product standards ay bahagi ng kampanya ni Presidente Rodrigo Duterte na Tapang at Malasakit para mapa­ngalagaan ang kaligtasan at kalagayan ng mga Filipino.

Comments are closed.