SOCHI, Russia- DA-LAWANG heneral ng pulisya ang patuloy pa ring nasasangkot sa aktibidad ng ilegal na droga sa Filipinas.
Ito ang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng international community na dumalo sa Valdai Discussion Club forum na ginanap dito kung saan ay isa sa mga naging tagapagsalita ang Punong Ehekutibo.
Ayon sa Pangulo, bago siya umalis ng Filipinas at maaring sa kanyang pagbabalik ay patuloy pa rin ang ilegal na gawain ng dalawang hindi pinangalanang heneral sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Nang maupo siyang Pangulo ng bansa ay kanyang naipangako sa sarili na kung ano ang ginawa niya sa kanyang lungsod bilang alkalde ay kanya rin sanang gagawin sa buong bansa upang makapagtatag ng isang komportable at ligtas na pamayanan kung saan maaari kang maglakad anumang oras na walang pinangangambahan o kinatatakutan.
“And I asked the police, “Ask your wife and children to walk the streets at night. If they come home unmolested, unbridled by worries, not victims of mugging and crimes.” Because there were so many addicts in the streets” wika ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na gagawin niya ang lahat ng kanyang magagawa upang puksain ang talamak na illegal na droga at mabigyan ng mapayapang pamumuhay ang bawat Filipino.
“Do not destroy my country especially the children because I will kill you?” And that was my order to the Armed Forces and to the police,” giit pa ng Pangulo.
Naniniwala ang Pangulo na kailangang kumilos ng mabilis upang matigil ang lumalalang problema sa ilegal na droga sapagkat naniniwala siyang kapag may isang miyembro ng pamilya ang naging addict, ang buong pamilya ay babagsak at magiging disorganisado.
“And I had to act fast.” dagdag pa ng Pangulo.
Dumadalo rin sa nabanggit na forum sina Russian President Vladimir Putin at Jordanian King Abdullah Bin Al Hussein at iba pang leaders ng mga bansa.
Ang Vadai ay prominenteng “think tank” at policy makers ng Russia. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.