2 HOLDAPER NG MASSAGE PARLOR ARESTADO

CAVITE – DALAWA sa 3 nangholdap at nangmolestiya ng isang therapist sa massage parlor sa General Trias City ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong robbery at pangmomolestiya ang mga suspek na sina Lucky Macabutas, 18-anyos ng B35 L20 Pabahay Golden Horrizon, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, Cavite at Joshua Ambag Lestron ng nabanggit na barangay.

Samantala, tinutugis naman ng mga tauhan ni Lt. Col. Jose Naparato Jr., hepe ng General Trias City Component Police Station, katuwang ang Trece Martirez City PNP, ang lider ng grupo na si alyas JR na nakatira rin sa nasabing barangay.

Lumilitaw sa imbestigasyon nina SSg Jayson Olivar at SSg Ernesto Angue Jr., bandang alas-12 ng madaling araw ng Lunes nang magkakasamang pumasok ang 3 sa 2nd floor ng Nhabi Massage and Spa sa R Building Unit 2, Gentri Heights Subdivision sa Sitio Tinungan, Brgy. Manggahan sa General Trias City, Cavite.

Nagpanggap na magpapamasahe ang mga suspek subalit nagdeklara ito ng holdap kung saan nilimas ang kinita ng massage parlor na P20K, personal money na P7K ng mga biktima at mga cellphone nito.

Ayon pa police report, bago tumakas ng mga holdaper ay iginapos ang mga biktimang sina Ann Camille Amado y Montallana, 30-anyos, may-ari ng massage parlor; Mary Joy Oliveroz y Semera, 18-anyos ng Pasig City; at si Angelie Visca, 42-anyos ng Bacoor City.

Narekober naman sa suspek na si Lucky ang cellphone na pag-aari ng biktimang si Amado habang nagpapatuloy naman ang manhunt operation ng pulisya laban sa isa pang suspek. MHAR BASCO