2-HOUR WINDOW PARA SA RECOVERY, EXTRA FLIGHTS NG AIRLINES

MIAA General Manager Ed Monreal-3

HANDANG magbigay ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa airline companies ng dalawang oras na window para sa kanilang recovery at extra flights sa susunod na tatlong araw.

Ito ang ipinahayag ni MIAA General Manager Ed Monreal kasunod ng 12-hour closure ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa epekto ng bagyong Tisoy.

Sa isang press conference, sinabi ni Monreal na bubuksan ang Runway 0624 mula ala-1:30 ng madaling araw hanggang alas-3:30 ng madaling araw ngayong ­Miyerkoles, Disyembre 4, para sa recovery flights ng airlines.

“‘Yang dalawang oras na ‘yon, ‘yun po ay gagamitin namin na para ipabalik ‘yung mga eroplano, mostly local carriers na in-evacuate sa ibang regions sa Filipinas,” ani Monreal.

Isinara kahapon ang lahat ng terminals sa NAIA mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi dahil sa masamang lagay ng panahon.

Nabatid na magmula nang ilabas ang naturang abiso, inilikas na rin ng mga carrier ang kanilang mga eroplano sa outstations sa ibang bansa, at papayagan lamang na makabalik sa Manila hub sa oras na magbukas ulit ang mga operasyon sa NAIA.

“From today until the next three days, ili-lift namin ‘yung runway closure, wala ho tayo. So may extra six hours to work with ‘yung mga airline na gusto mag-mount ng extra frequency or extra flights to recover ‘yung mga naapektuhan na pasahero,” dagdag pa ni Monreal. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.