SA kulungan bumagsak ang dalawang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng P340K halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Rommel Bobiles alyas “Dyosa”, 33-anyos at Michael Ayuson, 38-anyos, kapwa ng Phase 12, Barangay 188, Tala.
Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa kanilang Regular Confidential Informant (RCI) na nagbebenta umano ng shabu ang mga suspek kaya isinailalim ang mga ito sa isang linggong validation.
Nang magpositibo ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Major Deo Cabildo, kasama ang Camarin Police Sub-Station 10 at MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation sa Pili St., Brgy., 178 kung saan isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P45,500 halaga ng shabu.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php. 340,000.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 40 pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA