RIZAL – KULONG ang dalawang lalaki na tinaguriang High Value Individual (HVI) matapos mahulihan ng mahigit isang milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Rizal Provincial Intelligence Unit na may koordinasyon sa PDEA sa Cardona sa lalawigang ito.
Nabatid na bandang alas-8 kamakalawa ng gabi nang ikinasa ng mga operatiba ng Rizal PIU ang buy-bust operation sa bayan na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek sa alyas Pusoy, 34-anyos, at alyas Jepoy, 34-anyos, kapwa residente sa Cardona,Rizal.
Nasabat mula sa mga suspek ang 11 pakete ng shabu na may timbang na humigit kumulang na 180 gramo at may street value na P1,224, 000.00.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Cardona Municipal Police Station ang dalawang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Col Felipe Maraggun, Provincial Director ang matagumpay na pagkakaresto sa dalawang suspek na isa lamang sa magandang resulta ng walang kapagurang pagseserbisyo ng ating mga pulis sa ating mga kababayan sa Rizal.
ELMA MORALES