2 HVIs TIMBOG SA P2.2-M SHABU

LAGUNA- NALAMBAT ng pinagsanib pwersa ng Special Anti- Drug Enforcement Unit, PDEA at mga ahente ng Police Provincial Office ng Laguna ang dalawang tinaguriang high value individual na sangkot sa malawakang pagbebenta ng shabu sa lungsod ng San Pablo sa isang buy bust operation nitong Huwebes ng hapon sa Barangay San Cristobal, San Pablo City.

Sa pahayag ni Lt.Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, kinilala ang mga suspek na sina Edwin Rivero Pecayo at Michelle Edra, pawang mga residente ng San Pablo city.

Sina Pecayo at Edra, ayon kay Sivio ay matagal ng nagsu-supply ng ilegal na droga sa mga small time drug courier mula pa sa mga kalapit barangay at bayan ng nasabing lungsod.

Base sa nakalap na impormasyon ng San Pablo City Police, dalawang araw bago ang nakatakdang pagde-deliver ng shabu ng mga suspek sa lugar, ikinasa na ang gagawing operasyon ang mga pulis para sa agarang pagdakip kina Pecayo at Edra.

Nitong Huwebes sa ganap na ika- 5 ng hapon, isang poseur buyer ang nakipag- transaksiyon ng halagang P30,000 kay Pecayo na madaling nasilaw sa dalang cash money ng police agent.

Habang binibilang ni Edra ang pera, doon na lumapit ang mga pulis na nagkunwari ng mga vendor at agad na hinuli ang dalawa.

Nakumpiska sa mga suspek ang may 400 gramo ng shabu na may street value na P2,270,000.00
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. ARMAN CAMBE