2 INDIAN TIMBOG SA PANGHO-HOLDAP  SA 2 KABABAYAN

Holdap

SA KULUNGAN  humantong  ang  dalawang Indian nationals matapos ireklamo ng pangho-holdap sa kanilang dalawang ­kapwa Indian national sa Caloocan City.

Kinilala ang dalawang nadakip na suspek na sina  Harjot Singh, 21, at Gurwinder Singh, 24, habang pinaghaha­nap pa ng mga pulis ang  dalawang hindi kilalang kasabwat na kapwa Indian national.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-11:30 ng ­umaga, sakay sa kanyang motorsiklo si Manjot Singh, 27 ng North Park Subd., Fairview, Quezon City nang harangin siya ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at pawang armado ng baton sword at steel baton sa Old Zabarte Road, Brgy. 175, Caloocan City.

Agad na tumakbo ang biktima patungo sa Caloocan Police North Extension Office saka humingi ng tulong na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at narekober ang isang baton sword at tatlong steel baton habang nagawang makatakas ng kanilang dalawang ka­sabwat.

Ayon kay Caloocan Police deputy chief for administration PLtCol. Ferdie Del Rosario, dumating sa himpilan ng pulisya ang isa pang biktima na nakilalang si Jadeeg Singh, 27, at personal na kinalala ang dalawang nadakip na suspek na kahawig ng nangholdap at pumalo sa kanyang ulo gamit ang baton saka sapilitang kinuha ang kanyang P25,000 sa Phase 3-B, Purok 2, Brgy. 176, Bagong Silang bandang alas-10 ng umaga. EVELYN GARCIA

Comments are closed.