NAGTAYO ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng dalawang isolation units sa magkahiwalay na lugar sa lungsod para sa mga persons under investigation (PUIs) sa sakit na COVID-19 upang patuloy na namo-monitor ng mga doctor at nurses ang kanilang mga kalagayan.
Ibinunyag ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang lokasyon ng dalawang isolation unit na ang isa ay nasa Pasay City Sports Com-plex (PCSC) sa F.B. Harrison samantalang ang isa naman ay matatagpuan sa Padre Burgos Elementary School sa P. Burgos Street.
“Nakahanda po kaming alagaan ang mga PUIs na kinilalang naninirahan sa lungsod ng Pasay City General Hospital (PCGH),” ani Calixto-Rubiano.
Ang isolation unit sa PCSC ay makatatanggap ng 24 na PUI patients habang sa nabanggit na eskwelahan naman ay makakapag-akomoda siyam na pasyenteng PUI.
Sa inilabas na update mula alas 12 ng tanghali kahapon (Marso 24) ay nakapagtala ang PCGH ng 7 kaso na kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19; 41 persons under monitoring (PUMs), 38 PUIs, habang isang pasyente naman ang naka-recover sa sakit na ito.
Sinabi ni Calixto-Rubiano na may plano dins silang dagdagan pa ang bilang ng mga isolation units kung ito ay talagang kinakailangan pa.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ni Calixto-Rubiano ang kanyang mga konstituwente na manatili na lamang sa kanilang mga kabahayan, sumunod sa curfew hours at panatilihin ang social distancing. MARIVIC FERNANDEZ