2 JAPANESE NAHULIHAN NG PEKENG DOLYAR

fake dollar

MAKATI CITY – DALAWANG Japanese ang arestado makaraang mahulihan ng 10 pirasong pekeng $100 bills at tinangka pa umanong suhulan ang mga pulis ng halagang P50,000.00 kama­kalawa ng hapon.

Kinilala ng Makati City police ang dalawang arestadong Hapones na sina Yoshitaka Yamamoto, 48, at Noa Shimegi, 27, pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa  Makati Avenue.

Base sa ulat na natanggap ni Makati City police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, naganap ang pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-3:00 ng hapon sa Emelda Money Changer na matatagpuan sa panulukan ng Kalayaan Avenue at Mariano St., Brgy. Poblacio ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ni General Assignment Section (GAS) investigator SPO3 Alejandro Devalid, nagtungo ang mga suspek sa ­naturang money changer kung saan nagpapalit sila ng sampung pirasong $100 bills sa kaherang si Amalia Yamat.

Nang suriin ni Yamat ang naturang dollar bills ay natuklasan nitong peke ang naturang pera kung kaya’t agad itong itinawag sa pulisya.

Mabilis na ­rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 6 na nakakasakop sa lugar upang tumugon sa reklamo ni Yamat.

Nang aarestuhin na ng awtoridad ang mga suspek ay naglabas ng halagang P50,000.00 si Yamamoto para suhulan ang mga ito na hindi pinatulan ng mga pulis na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Ayon sa salaysay ng mga suspek, isang lalaki na mukhang Asian looking ang nangailangan ng kanilang perang Yen na katumbas ng $1,000.

Dagdag pa ng mga suspek, mukhang matino naman daw ang lumapit sa kanilang lalaki kung kaya’t pinagbigyan na nila ito na lingid sa kanilang kaalaman ay peke pala ang perang dollar bills na ibinigay sa kanila.

Nakumpiska sa mga suspek ang pekeng dollar bills, P50,000.00 na pinansuhol sa mga pulis, 8 pirasong ATM at credit cards, 4 na cellular phones, 3 pirasong 10,000.00 yen, 13 pirasong P1,000 peso bills, iba’t iba pang denominasyon ng peso bills, 2 Japanese passport, 2 passbook, 1 organizer, relo at kuwintas.

Si Shimegi ay nahaharap ng paglabag sa kasong Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instrument of Credit) samantalang si Yamamoto naman ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 212 (Corruption of Public Officials).

Ang insidente ng pagkakaaresto sa mga suspek ay ipinagbigay-alam na rin ng pulisya sa embahada ng Japan.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.