INAKALA ng dalawang Japanese national na makalulusot sila sa higpit ng seguridad ng gobyerno nang masabat ng Bureau of Custom (BOC) sa paliparan makaraang ipuslit ang 100-M Yen na tinatayang aabot sa P50 milyon ang halaga.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Yuzuru Marumo at Masayuki Aoyagi na naaresto ng mga tauhan ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 dahil sa pagdadala ng malaking halaga ng pera na ipinagbabawal ng batas.
Ayon kay BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU) head Dennis Alcedo, humingi ng tulong ang BOC sa kanila upang ma-monitor ang dalawang Japanese national matapos silang nakatanggap na report na darating ang mga ito sa bansa mula Japan Narita via Philippine Airlines flight.
Ang kanilang pagdating ay naipaabot din sa BI ng BOC matapos na nakumpirma na ang dalawa ay may dalang 100,645,000 Yen o katumbas ng P44.8 milyon.
Bukod sa kasong kriminal na kakaharapin mula sa BOC, nahaharap din ang dalawa sa deportation cases na hahawakan naman ng BI. PAUL ROLDAN