(2 kabaro arestado sa pakikialam) AKTIBONG PARAK TIKLO SA BUY BUST

SA gitna ng ginagawang paglilinis ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) sa mga opisyal ng pulisya na sangkot sa kalakalan ng droga ay isang aktibong pulis ang nadakip sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. 312, Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 36-anyos na suspek na si SSG. Ed Dyson Banaag ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) ng Camp Crame at residente ng Brgy. San Isidro sa Pasay City.

Nabawi mula sa suspek ang isang transparent plastic sachet na may laman ng shabu na aabot sa 25 gramo at nagkakahalaga ng P170,000 at kinumpiska rin ang kanyang service firearm.

Bago naaresto ang suspek, nakipaghabulan pa ito sa mga awtoridad pero sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo kaya nadakip siya ng kanyang mga kabaro.

Nabatid na dating nakadestino ang suspek sa CIDG bago napunta sa PDEG.

Dinala sa MPD Crime Laboratory Office ang suspek para sa drug test at ang nakumpiskang droga para naman sa pagsusuri.

Kaugnay nito, dalawang lalaki na nakasuot ng sibilyan na nakilalang sina SSg Raymund Portes y Magpantay at SSg Jerry Saratobias Jr y Gamboa, kapwa tauhan ng PNP na nakatalaga sa CIDG-Crame ay naaresto rin dahil sa Obstruction of Justice at dinala sa RDEU Office para sa imbestigasyon at wastong disposisyon.

Napag-alamang ang dalawa ay dating kasamahan ni Banaag sa CIDG sa Camp Crame na namagitan sa proseso ng imbentaryo at imbestigasyon na isinagawa ng operating unit.

Paglabag sa Section 5, Article II, RA 9165 at Obstruction of Justice ang inihahanda laban kina Portes at Saratobias sa Manila City Prosecutor’s Office.

Kasabay nito, pinuri ni NCRPO Director MGen. Jonnel C Estomo, ang mga elemento ng Regional Intelligence Division-Regional Drug Enforcement Unit (RID-RDEU) NCRPO sa pangunguna ni PCpt. Deni Mari Pedrozo sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni LtCol. Ferdinand M. Casiano, Hepe, RDEU at pangkalahatang pamunuan ni Col. Romano V Cardiño, Chief RID, kasama ang PDEG NCR, CIDG NCR, at mga elemento ng Sta Cruz Police Station, Manila Police District para sa matagumpay na pagsasagawa ng buy-bust operation. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ