(2 kabarong nakalaban tinodas) NATALO SA “FINGER WRESTLING” PULIS NAMARIL

Sumping

DAHIL sa larong sumping o finger wrestling dalawang tauhan ng Philippine National Police ang binaril at napatay ng kanilang kasamahang pulis sa loob ng Regional Mobile Force Battalion-15 (RMFB-15) barracks sa Barangay Viewpoint, Banaue, Ifugao noong Linggo ng madaling araw.

Sa report na nakara­ting sa punong himpilan ng PNP sa Camp Crame, kapwa idineklarang dead on arrival sa pagamutan sina P/Staff Sgt. Romualdo Ngina Jr., 32-anyos, ng Otucan, Bauko, Mountain Province; at Pat. Rey Wan-aten, 30-anyos, ng Kibungan, Benguet.

Ayon sa Banaue Municipal Police Station (BMPS), kasaluku­yang nasa kustodiya na ng awtoridad  ang suspek na  si P/Corporal Paul Cunginan Badangayon, 28-anyos, ng O-ong, Hingyon, Ifugao.

Sa imbestigasyon ng BMPS, nagpapaligsahan umano at naglalaro ng sumping  ang tatlo sa loob ng kanilang barracks sa RMFB-12 ng di-umano’y natalo si Badangayon.

Sinasabing natalo ang suspek sa kanilang larong “tulhi” na isang tradisyunal na laro sa Mountain Province at napilay ang daliri nito na nauwi sa pagmumura sa dalawang biktima, sabay talikod at pumasok sa kanyang kuwarto.

Napahiya umano si Ngina Jr. kaya sinundan nito ang suspek sa kanyang kuwarto at doon sinuntok si Badangayon sa mukha na tinangkang awatin ni Wan-aten.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng BMPS, binunot ng suspek ang kanyang service firearm at pinagbabaril si Ngina Jr. pagkatapos ay sinunod si Wan-aten.

Agad na sinugod sa Bontoc General Hospital ang dalawang pulis ngunit kapwa wala ng buhay nang dumating sanhi ng multiple gunshot wounds sa kanilang mga katawan.

Agad namang naaresto si Badangayon ng mga rumespondeng kasamahang pulis at posibleng maharap sa dalawang kaso ng pagpatay. VERLIN RUIZ/IRENE GONZALES

Comments are closed.