DALAWANG opisyal ng barangay ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang magkahiwalay na drug operations sa Ilocos Norte at Leyte kamakailan.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang mga suspek na sina Rexor Bartolome y Raquiza at Noel Vargas y Mesa na kapwa barangay kagawad.
Si Bartolome ay inaresto sa buy bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng PDEA Regional Office I (PDEA RO I) sa ilallim ni Director Bryan B. Babang at ang lokal na pulis bandang ala-1:30 ng hapon sa Barangay 23, San Matias, Laoag City, Ilocos Norte.
Nakumpiska sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 5 gramo na tinatayang aabot sa P34,000 ang halaga, 1 mobile phone, wallet at ang buy bust money.
Samantala, nadakip naman si Vargas sa isa pang drug operation, bandang alas-7:00 ng gabi nang ikasa naman ng mga tauhan ng PDEA Regional Office VIII (PDEA RO VIII) sa ilalim ni Director Edgar T. Jubay, at ng mga tauhan ng Barangay Bantique, Hilongos, Leyte.
Nakuha kay Vargas ang 2 pakete ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.22 gram, o tinatayang nagkakahalaga ng P1,496 at ang buy bust money.
Sa kasabay rin na operasyon ng PDEA, nasakote naman ang isang lalaki sa Cebu City na kinilalang si Marvin Makilang y Abellana na nahuli dakong alas-4:30 ng hapon kamakailan ng mga tauhan ng PDEA Regional Office VII (PDEA RO VII) sa pangunguna ni Director Wardley M. Getalla, at mga kawani ng PNP sa Caimito Street, Barangay Basak, San Nicolas, Cebu City.
Nakuha mula sa suspek ang 2 piraso ng heat-sealed transparent plastic packs na naglalaman ng shabu. Tinatayang aabot sa 125 gramo na nagkakahalaga ng P850,000.
Haharap ang mga suspek sa kasong violation of Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.