QUEZON CITY – NANINDIGAN si Quezon City Police District Director, Chief Supt. Joselito Esquivel na hindi ang mga pulis ang nambugbog kay Genesis “Tisoy” Agoncillo, ang umano’y tambay na inaresto noong June 19, kundi ang kasama nito sa kulungan.
Itinuro ng testigo na si alyas Nestor na sina Richard Bautista, nakulong dahil sa pagsusugal at Justine Mercado, nakulong sa pagdadala ng armas, pawang kakosa ni Tisoy, ang bumugbog sa biktima.
Ang tatlo ay nakakulong sa station 4 ng Novaliches Police. Ayon pa kay Nestor, binugbog si Tisoy sa loob ng kulungan at hindi aniya alam o naririnig ng mga pulis na nagbabantay sa kanila.
Nanindigan naman ang kaanak ni Tisoy na hindi sila naniniwala na mga preso ang bumugbog kay Agoncillo.
Magugunitang sinibak sa puwesto si Supt. Carlito Grijaldo at duty jailer na si PO3 Dennis Saño noong Huwebes habang panibagong limang pulis din ang tinanggal upang maging malaya ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Tisoy.
Nabatid din mula sa kapatid ng biktima na maghahain sila ng reklamo laban sa mga sangkot na pulis sa National Police Commission. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.