LAGUNA – DALAWANG notoryus na karnaper ang napatay habang sugatan naman ang isang pulis makaraang kumasa at makipagbarilan sa mga operatiba ng Calauan PNP, Regional Highway Patrol Group at 1st Laguna Police Mobile Force Company sa Bgy. Balayhangin,bayan ng Calauan, Laguna kahapon ng madaling araw.
Base sa ulat ni P/Major Marc Julius Rebanal, hepe ng pulisya, hinoldap at kinarnap ng dalawang lalaki ang motorsiklo ng biktimang si Crisanto de los Santos ng Bgy. Bitin, Bay, Laguna sa bahagi ng Bgy. Lamot 2.
Dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima na agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa pamumuno ni PCapt. Charlie Reyes laban sa dalawang karnaper.
Natunton naman ng pulisya ang safehouse ng mga suspek sa Bgy. Balayhangin subali’t imbes na sumuko ay nakipagbarilan sa mga operatiba ang mga suspek hanggang sa mapatay.
Sugatan naman ang pulis na si P/SSG Diosdado Casupang Jr. na nagtamo ng tama ng bala sa sakong.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang cal. 45 pistol, cal. 38 revolver, motorsiklo na may plakang 041-524647 na pag-aari ng biktima, isa pang motorsiklo na walang plaka at mga basyo ng mga bala. DICK GARAY
Comments are closed.