2 KASAPI NG DAULAH ISLAMIYAH NASAKOTE

SOUTH COTABATO-DALAWANG miyembro ng Daulah Islamiyah Socsargen Khatiba Group ang nasakote ng mga sundalo kamakalawa ng madaling araw sa isinagawang joint law enforcement operation sa Polomolok sa lalawigang ito.

Ayon kay Lt. Col. Carlyleo Nagac, Battalion Commander ng 5th Special Forces Battalion kapwa may mga kaso ng tangkang pagpatay ang dalawang Dawlah Islamiya member na nabitag sa pinagsanib na AFP-PNP law enforcement operation sa Purok 2, Glamang, Polomolok, South Cotabato

Kinilala ni Nagac ang target ng early dawn operation na sina Jerry Pandian, 44-anyos at Yeb Salela, 18-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng Search at Arrest Warrants na pirmado ng Hukom sa Regional Trial Court, 11th Judicial Region, Branch 63, Polomolok, South Cotabato.

“Nakuha mula sa mga suspek ang isang Pistol Cal. 45 M1911A1, isang Magazine ng cal.45, limang bala ng cal. 45, isang Unit ng 5.56 mm Single Shot Pistol, isang live ammunition ng Single Shot Pistol 5.56mm, isang 9 Volts battery, isang piece Improvised Switches Full ype, isang Blasting Cap, isang Container, isang Detonation Cord, 71 piraso ng Enhancer, isang Wire Initiator (Color Black) at isang Wire Initiator (Color Red)”, ayun kay Nagac.

Pinuri ni Joint Task Force Central at 6th Infantry Division Commander, Major General Roy Galido, ang 5SFBn sa kanilang patuloy na dedikasyon na suportahan ang mga law enforcement operation sa Central at South-Central Mindanao upang tugisin ang mga nagkasala sa batas.

““Keep it up, keep it going. Tulungan natin ang counterpart natin sa PNP sa pagpapatupad ng batas kasama ang Local Government Unit sa South Cotabato para mapanatiling ligtas ang komunidad sa anumang banta”, ayon kay Maj. Gen. Galido. VERLIN RUIZ